Ako po ay isang guro sa elementarya. Sa paaralan kung saan ako nagtuturo, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng wika sapagka’t ang mga mag-aaral namin ay mula sa tatlumpo’t anim na bansa.
Para sa mga magulang ng aming paaralan, may dalawang bagay na kinakailangan upang maging ganap ang pag-aaral ng wika ng kanilang mga anak. Ang una ay ang tinatawag na mother tongue at ang ikalawa ay may kinalaman sa lingua franca.
Ano ba ang mother tongue?
Ang mother tongue, na kung minsan ay tinatawag na native tongue, ay pwede rin nating tawagin sa Tagalog na kinagisnang wika. Ang mother tongue ay ang unang wikang natututunan ng isang bata mula sa kanyang mga magulang at sa kanyang pamilya. Halimbawa, kung ang mga magulang mo’y pinanganak at lumaki sa Maynila at ipinanganak ka sa Maynila, ang iyong mother tongue ay Tagalog sapagka’t ito ang wikang maririnig mo at ginagamit mo sa pang-araw-araw na pakikipag-usap sa iyong mga magulang at sa ibang tao. Subalit’ kung ang mga magulang mo ay ipinanganak at lumaki sa Cebu at sila’y lumipat lamang sa Maynila, malaki ang tsansa na ang iyong mother tongue ay Cebuano sapagka’t ito ang salitaan ng iyong mga magulang at pamilya sa bahay. Pero siyempre, dahil lumaki ka sa Maynila, natural lamang na matuto ka rin ng Tagalog dahil ito ang wikang gagamitin mo para makipag-usap sa mga taong hindi marunong mag-Cebuano.
Mahalaga ang papel ng mother tongue programs sa mga bansang maraming wika at kultura. Kasama na rito ang Singapore na binubuo ng tatlong pangunahing lahi: mga Malay na may wikang Melayu; Indian na may wikang Tamil; at Chinese na may wikang Mandarin. Sa sistema ng edukasyon sa Singapore, Ingles ang gamit sa mga aralin sa Math, Science, PE at iba pa. Pero ang naiiba ay may special subject sila na mother tongue kung saan kinakailangang pag-aralan ng bawat mag-aaral ang kanyang sariling wika.
Isa lang ang Singapore sa mga dumaraming bansa na nagpapatupad ng mother tongue program. Kasama na rito ang mga Scandinavian countries na pinangungunahan ng Sweden. Parami rin nang parami ang mga international schools na nagkakaroon ng ganitong programa bilang pagbibigay-galang sa karapatan ng mga mag-aaral na mapag-aralan ang wika ng kani-kanilang inang bayan.
Ang Kahalagahan ng Pag-aral ng Mother Tongue
Mahalagang pag-aralan ng isang bata ang sariling mother tongue dahil isa itong crucial na hakbang sa pagkilala sa sariling kultura at pagkatao. Dapat nating pahalagahan ang bawat wika at kultura at kailangan nating ibigay ang mensahe sa ‘ting mga kabataan na hindi dapat nila kalimutan ang pamanang wika’t kultura ng kanilang mga magulang at ninuno. Hindi natin pwedeng isang-tabi ang sariling wika ng mga probinsiyang nasa labas ng Katagalugan. Dapat nating ipagmalaki ang pagkakaroon ng mga ibang dialect bukod sa Tagalog. Kung mayroon kang iba pang wika tulad ng Cebuano, Ilocano, Ilonggo, Bicolano, Waray, Pampango, Pangasinense, o iba pang mga dialect, na natutunan mula sa iyong mga magulang, gamitin mo ito at ipagmalaki. Kahit pa tawagin kang “probinsiyano†ng mga makitid mong mga kaibigang taga-Maynila. Sa totoo lang, sino ba sa ‘tin ang kayang ungkatin ang kasaysayan ng kanyang pamilya at sabihing katutubo sila sa Maynila. Karamihan sa mga pamilya natin, nagsimula dito sa Maynila bilang mga migrante, bilang mga probinsiyano. Kaya huwag naman sana nating kalimutan ang mga wikang galing sa probinsiya sa labas ng Katagalugan.
Madalas, kasabay ng pagtalikod sa sariling wika ang hindi pagtanggap ng mga kultura’t tradisyon ng probinsiya kung saan ginagamit ang wika. Sa madaling salita, ‘pag may isang Bisaya na nahihiyang magsalita sa sarili niyang wika sa kanyang mga magulang sa harap ng kanyang mga kaibigang Manileño, ang ibig sabihin nito ay kinahihiya niya ang kanyang probinsya. Tuloy, ‘pag may fiesta sa kanyang probinsya at niyayaya siya ng kanyang pamilya, ayaw na niyang sumama dahil hindi na siya masaya maging konektado sa bayang pinagmulan ng kanyang mga magulang. Walang kinalayo ito sa mga Pilipinong nakapag-migrate sa Amerika. Yung mga anak nila, hindi na tinuruang mag-Tagalog o ibang wika ng Pilipinas. Kaya ‘pag dalaw ng mga anak nila dito sa Pilipinas, hindi na nila masyado maramdaman ang kanilang pagiging Pilipino. Wala na kasi ang kanilang mother tongue e, wala na ang susi sa imersyon sa isang kultura.
Ang lingua franca?
Ang lingua franca naman ay may kinalaman sa pagkakaroon ng wikang mag-uugnay sa dalawa o higit pang tao o grupo ng tao na may kanya-kanyang sariling wika. Ang malinaw na halimbawa nito ay ang wikang Ingles na ngayo’y tinuturing na lingua franca ng mundo. Nangangahulugan na ‘pag nag-usap ang isang German at ang isang Pilipino, hindi inaasahan ng German na marunong mag-salita ng Deutsch ang Pilipino at hindi rin inaasahan ng Pilipino na marunong mag-Filipino ang German. Pero pareho nilang inaasahang marunong mag-Ingles ang kanilang kausap. Sa ating bansa, ang kasalukuyang lingua franca na ipinag-utos ng pamahalaan ay ang pambansang wika, ang Filipino. Sa ilalim ng Executive Order 335 ni Pangulong Aquino noong ika-25 ng Agosto 1988, pinag-utos ang paggamit ng Filipino bilang opisyal na wika sa lahat ng opisina ng pamahalaan at pati na sa lahat ng mga paaralan. Tandang-tanda ko pa ang pagkagulat ko noong Grade 5 ako nang una kong mabasa ang mga salitang “spageti†at “tsokoleyt†sa ‘ming textbook sa bagong aralin na “Filipino†na dati ay “Pilipino.†Kung babasahing mabuti ang nilalaman ng EO335, nakapaloob dito ang pagtulak ng pamahalaan ng pagkakaroon ng pambasang wika. Isa sa mga hakbang na inutos ay ang pagkakaroon ng “information campaign on the importance and necessity of Filipino as an effective instrument for national unity and progress.†Kung tunay na mahalaga at kailangan ang paggamit ng isang wika, kusa nang matututunan ito at gagamitin ng nakararami at kusa na itong magiging lingua franca ng bansa.
Mga Katanungan
Makalipas ang halos dalawampung taong pagpapatupad ng Filipino sa pamahalaan at sa paaralan, naging epektibo ba ang wikang ito bilang isang instrumento para sa pambansang pagkakaisa at pag-unlad? Praktikal pa ba na ipilit natin ang wikang ito sa mga isipan ng mga bata sa mga paaralan sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao na may kani-kanilang sariling wika? - Mga wikang hindi natin pinayagang matawag na wika dahil mayroon tayong ilusyon na sa Pilipinas, iisa lang ang wika at ang iba’y dialect lamang. Tunay bang nakabubuti para sa mga mag-aaral na hindi taga-Katagalugan ang pagkakaroon nila ng mga aralin sa Filipino, ang pinabangong pangalan ng wikang Tagalog? Maari kayang kilalanin at galangin natin ang iba’t ibang wika’t kultura sa Pilipinas? Pwede kaya nating bigyan ng pagkakataong payabungin ang iba’t ibang wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Mother Tongue program sa mga paaralan?
Marami nang pag-aaral ang nagawa para sagutin ang mga tanong na ‘to at malinaw na para sa mga tunay na nasyonalista’t makabayan kung anu-ano ang mga tamang kasagutan. Pero may isang napakahalagang tanong na kumakatok sa ‘ting mga isipan tuwing pinag-uusapan ang isyu ng wika.
Ang Kasalukuyang Sitwasyon
Pag-isipin muna natin ang mga sumusunod:
- 80% ng Internet ay nasa wikang Ingles.
- Maraming dyaryo, magazines, at libro sa mundo ay nasa wikang Ingles.
- Ingles ang opisyal na wika sa mundo ng pulitika at diplomasya. Gamit ito ng mga malalaking organisasyon at mga institusyon tulad ng United Nations, European Union and the Association of South East Asian Nations.
- Pati mga malalaking kumpanya at mga professional at scientific na organisasyon, Ingles ang kanilang gamit na opisyal na wika.
- Napakahalaga ng Ingles sa pagnenegosyo lalo na ngayong mas bukas na ang Pilipinas sa mga merkado sa ibang bansa.
- Ayon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nakasalalay ang ekonomiya ng Pilipinas sa pinapadalang pera ng mga overseas workers – mga overseas workers na nakakapag-trabaho sa ibang bansa dahil sa kanilang kasanayan sa trabaho at kakayahang mag-Ingles.
- Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga “call centers†at iba pang “business-process outsourcing firms†ay nakapagbibigay ng $1Billion sa ekonomiya natin taun-taon. At ayon pa sa XMG Asia Pacific, ang mga call centers ay magdudulot ng $3.6Billion pagdating ng 2008.
Ang Tanong
Matapos mong mabasa at maunawaan ang mga nilahad kong mga katunayan at palaisipan tungkol sa wika dito sa ating Inang Bayan, mas madadalian ka ba ngayong sumang-ayon sa:
- pagpapatupad ng Mother Tongue program sa mga paaralan kung saan mapag-aaralan ng bawat mag-aaral ang kanyang kinagisnang wika, maging Tagalog, Cebuano, Ilocano, Ilonggo, Bicolano, Waray, Pampango, Pangasinense, o iba pang mga dialect;
- paggamit ng wikang Ingles sa mga textbook at mga aralin sa Language Arts, Science & Technology, Math, Social Science, Arts,at PE;
- at paggamit ng wikang Ingles bilang opisyal na wika sa pampubliko at pribadong sektor sa Pilipinas.
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: “Maraming Wika, Matatag na Bansaâ€Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p’re
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia







10 Responses to “Ang Mother Tongue at Lingua Franca”
Ipagpatuloy nyo ang pagboblog, maam!
[Reply to this comment]
Ang Mother Tongue at Lingua Franca by Lester G. Cavestany…
Ang Mother Tounge at Lingua Franca
by Lester G. Cavestany
Official entry to the Wika2007 Blog Writing Contest…
Napakaganda ng iyong entry. Sana’y masali rin sa curriculum natin pag-aaral ng ibang dialect, bahagi ng araling Pilipino.
[Reply to this comment]
Naturally, matututuhan ng mga Filipino ang Tagalog kahit na hindi ito binack ng Constitution para maging lingua franca. Tagalog ang wika ng mass media. Saan ka pa? Only in the Philippines siguro na bumuo ng wika ang isang bansa upang maging lingua franca, national at official language ng bansa. Unthinkable na amalgation ng mga wika sa Pilipinas ang Filipino. Wala pang Filipino, at nasa proseso pa lang ng pagbuo/develop nito. Sa kasalukuyan, Tagalog na gumagamit ng mga salitang Kastila at Ingles pa lang ang Filipino. Hindi PA nagagawan ng paraan na magamit ang mga katutubong salita (unless, of course, kung pinag-uusapan yung katutubong bagay, ideya etc. Hal. “Masarap ang pinakbet”. Subalit yung mga karaniwang salita/bokabularyo, hindi (pa o kailanman?). Parang United Nation na bumuo/nagdevelop ng isang wika na mauunawaan ng bawat mamamayan ng mga myembrong bansa nito.
[Reply to this comment]
Ibinoto ko ‘to.
[Reply to this comment]
Dear Filipinayzd,
Salamat sa comments mo, sa pagboto sa ‘king entry at sa pag-encourage sa ‘kin na mag-sulat pa ng ibang blog. Medyo bagito pa lang nga ako sa pagba-blog e. Nakakawili pala. Ang sarap
Dalawin ko yung blog site mo this week para ako naman ang makapag-comment sa mga nasulat mo.
Hanggang sa muli,
Lester
[Reply to this comment]
Dear Janette,
Salamat sa comment. Sana nga masali na talaga ang pag-aaral ng ibang dialect sa basic education natin.
Lumaki ako sa Maynila dahil sa Daddy ko pero ang Mama ko, Ilocana. Simula pagkabata, nagbabakasyon kami sa La Union tuwing summer. Kaya nga lang, hindi ako naging matatas sa pagsalita ng Ilocano dahil hindi namin ginagamit sa Maynila, kahit sa bahay.
Isa pa rin sa mga pangarap ko sa buhay ngayon ang maging bihasa sa Ilocano. Ika nga ni Aiza, “Pagdating ng panahon…”
Hanggang sa muli…
Lester
[Reply to this comment]
Oo sa usapin ng mother tongue. Hindi sa isyu ng Ingles.
[Reply to this comment]
Dear Ederic,
Salamat sa comment
1 out of 2 ain’t bad. I would love to hear your thoughts as to which language you would want our country to use as the lingua franca.
Hope to hear from you again soon.
Cheers,
Lester
[Reply to this comment]
Thanks to the organizers, the sponsors, the judges, the readers and the other participants of this blog writing competition. Congratulations to all the winners!
Mabuhay ang lahat ng wika natin! Mabuhay ang Pilipinas!
[Reply to this comment]
Feel free to express your self