Meron rin ba sa inyong mga nakakapansin na nagbalik na ang Sic O Clock News sa telebisyon. At bukod sa primetime siya pinapalabas, nasa dalawang estasyon pa siya ngayon!

Naku! Miss na miss ko pa naman ang mga nakakatawang-nakakainis na mga “malita” ng Sic O Clock News na naging hit-na-hit noong late 80’s. Kaya tuloy, gabi-gabi ay kinakailangang nakatapat ako sa telebisyon para makapanood ng TV Patrol at 24 Oras para sa kanilang mga “malita” tungkol sa mga di umanoy naganap na anomalysa sa TV Ratings ng AGB Nielsen, isang reputableng research company na may branches sa 30 bansa at 5 kontinente.

Pag dating sa isyung ito, tila nakalimutan na ng ibang mga manunulat at mamamahayag ang kanilang responsiblidad sa publiko na siguruhing ang nilalabas na balita ay balanse, makatotohanan, tiyak at patas para sa lahat ng mga kinauukulan. Ang pangunahin nilang iniintindi ngayon ay ang patunayan sa publiko na sila talaga ang numero uno, at kung hindi sila ang numero uno, ito ay dahil sa nagkadayaan. At wala silang pakialam kung ang pandaraya ay hindi pa napapatunayan sa korte, basta ang layunin nila ay ang gamitin ang lahat ng kanilang kapangyarihan bilang media, upang patunayan sa publiko at sa mga manonood nila na sila talaga ang tunay na numero uno.

Paminsan, madaling isnabin ang mga “malitang” inilalabas nila tungkol sa isyung ito. Bawat panig ay kapani-paniwala lalo na ‘pag naglalabas sila ng mga lawyer, eksperto, at mga opisyal ng kani-kanilang kampo. Pero ang napansin ko lang ay ang bawat estasyon ay walang iniinterview mula sa kabilang kampo. Nasaan ang balanced news? Nasaan ang fair news?

May isang bagay ang lagi kong tinatanong sa ‘king sarili tuwing manonood ako ng “malita” mula sa Channel 2 at Channel 7 tungkol sa isyung ito. Paano nangyayari na pareho nilang naipapahayag na sila ang nagsasabi ng totoo at sila ang nag-iisang numero uno, gayong alam nilang dalawa silang estasyon ang nagbabalita nito?

Sa pag-ikot ng aking ulo sa mga “malitang” naririnig, nababasa at napapanood, may kabang bumabalot sa isip ko at may galit na namumuo sa puso ko. Bakit gano’n? Bakit nila ako pinapaikot? Bakit nila ginagamit ang kanilang kapangyarihan sa media para itaguyod ang kanilang pansariling kapakanan. Di ba’t may responsibilidad sila sa taong-bayan na ilabas ang makatotohanan, fair at balanseng balita. Oo, maaaring makatotohanan ang mga testigo nila, pero hindi yata fair ang mga paratang nila sa isa’t isa, at sa palagay ko, hindi balanseng pamamahayag ang ginagawa nilang pagpakita lamang ng mga interview ng mga taong nasa panig nila.

Napaisip tuloy ako kung ilang beses na kaya nilang ginawa ang maglabas ng balitang may pinapanigan. Mga balitang may mga pinapangalagaang interes. Dahil sa nangyayaring ito, mas nagiging sensitibo ako sa “spin” na ginagawa ng ating mga taga-pamalita. Kanina lang ay may nabasa ‘kong balita tungkol sa mga generic drugs. Nabasa ko ito sa blog ni angsawariko at ang artikulo ng ABS-CBN ay pinamagatang, Doctors Threaten Walkout over Cheap Drugs Bill’s Passage. Napaka-one-sided ng artikulo ng ABS-CBN at parang may pakay na apihin ang mga Generic Drugs. Akalain mo ba namang ibalita ng artikulo na sinabi raw ng isang eksperto na si Dr Rey Melchor Santos, ang Vice-President ng Philippine Medical Association, na ang branded medicine at generic medicine ay hindi pareho sa bisa. Pinaparating pa ng artikulo na natatakot daw ang mga doktor na mag-reseta ng generic drugs dahil ‘pag hindi raw gumana ang mga generic drugs, baka ang mga doktor daw ang sisihin ng mga pasyente.

Subukan niyo pong i-research mga kapatid, at malalaman niyo pong pagdating sa kaledad at timpla ng mga kemikal, parehong-pareho po ang nilalaman at bisa ng Branded at Generic drugs. Puntahan niyo po ang website ng United States Food and Drug Administration at mababasa niyo po ang katotohanan tungkol dito.

Mawalang-galang na po kay Dr Santos, pero hindi po sang-ayon ang USFDA sa inyong paratang sa bisa ng Generic Drugs. Siguro po mayroon kayong mga pag-aaral na hindi pa nababasa ng FDA dahil ayon sa kanila:

A generic drug is identical, or bioequivalent to a brand name drug in dosage form, safety, strength, route of administration, quality, performance characteristics and intended use. Although generic drugs are chemically identical to their branded counterparts, they are typically sold at substantial discounts from the branded price.

Basahin na rin natin ang iba pang mga artikulo para malaman natin ang katotohan tungkol sa Generic Drugs. At may isa pa po akong nabasang artikulong Risks, Benefits and Generic Substitution* sa Journal of Consumer Affairs. Ayon sa artikulo, noong ipinatupad ang batas sa Amerika na nagpalaganap ng Generic Drugs, isa raw sa mga ginawang tactic ng mga malalaking pharmaceutical companies ay ang ipamalita sa publiko na mas mabisa ang branded kaysa sa generic. Pero hindi po ito totoo dahil napatunayan sa mga pag-aaral na magsing-bisa lamang ang dalawa. At sa Amerika’y pinagbawal ng FDA ang ganitong paninira sa generic drugs ng mga grupong may interes sa mga pharmaceutical companies.

Mukhang dito naman sa ‘tin gagawin ang ganitong tactic, at tila sinisimulan na ang disinformation campaign tungkol sa generic drugs. Huwag naman sana. Napakalaking bagay pa naman sa nakararami ang magkaroon ng mura at mabisang gamot. At napakalaki ng pasasalamat natin sa Kongreso at naipasa na nila ito. Sana’y maging mabilis din ang pagdaan nito sa Senado nang mapirmahan na agad ni Pangulong Arroyo ang mahalagang batas na ito.

Sa ating mga mamamahayag, bilang isang taga-subaybay at taga-tangkilik ng inyong balita, ako po’y nananawagan sa inyo, na sana’y dinggin niyo ang aking paghingi ng aking karapatan na makatanggap ng makatotohanan, fair, at balanseng balita, para na rin sa ikabubuti ng ating Inang Bayan. Salamat po!

Reference:
Risks, Benefits and Generic Substitution. Alan P. Wolfgang. Journal of Consumer Affairs. Volume: 25. Issue: 1. Publication Year: 1991. Page 110+. COPYRIGHT 1991 American Council on Consumer Interests.

 

Email This Post Email This Post       Print This Post Print This Post