Ikaw ba ay (isa o higit pa sa mga sumusunod)
1) Naapektuhan sa kontrobersyal na artikulo ni Malu Fernandez na mapanlait at mapang-api sa mga kababayan nating OFW (Overseas Filipino Worker)
2) May kaibigan o kakilalang OFW
3) May kamag-anak na OFW
4) Naniniwalang kawalan ng trabaho sa Pilipinas ang nagbubunsod sa ‘ting mga kababayan para makipag-sapalaran sa ibang bansa
5) Naniniwalang nakakatulong ang mga OFW sa ating ekonomiya
6) Naniniwalang abusado na talaga ang kasalukuyang administrasyon at oras na para palitan ang pamamalakad sa ating bayan
7) Kasalukuyang OFW, dating OFW, o nagbabalak maging OFW
Kung oo ang iyong sinagot sa isa o higit pa sa mga katanungan sa itaas, ang panawagan pong ito ay para sa yo.
Marahil narinig niyo na nagpalabas ng memorandum(1) ang POEA na patungkol sa mga “Direct Hire” na OFW. Hayaan niyo po sana akong ipaliwanag kung bakit kailangang-kailangan namin ng inyong suporta laban sa memorandum na ito. Paki-forward niyo na rin po ang aming pakiusap sa lahat ng inyong mga kakilalal. Tulungan niyo po sana kami.
Sino ba ang mga “Direct Hire”?
May dalawang paraan para makakuha ng trabaho sa ibang bansa. Maaaring mag-apply ka sa mga authorized recruitment agencies sa Pilipinas o kaya direkta kang makipag-ugnayan sa employer. Ang mga direktang nakakakuha ng trabaho na hindi dumadaan sa mga recruitment agency ang tinatawag na “Direct-Hire”.
Ang mga dumadaan sa recruitment agency ay kadalasang nagbabayad sa recruiter ng recruitment fee at/o kumisyon. Ang mga direct-hire naman ay kadalasang pumapasok bilang turista sa isang bansa at doon na naghahanap ng trabaho sa tulong ng mga kakilala. May mga direct hire din na nakakakuha ng trabaho dahil direktang pumupunta sa Pilipinas ang employer at dito ginagawa ang application at interview.
May kanya-kanyang advantages at disadvantages ang nasabing dalawang paraan, depende na ito sa bansa, sa employer, at sa kontrata.(2) May mga nagsasabing mahalagang dumaan sa recruitment agency dahil sinisiguro nilang matino ang employer at maayos ang buhay ng OFW habang nasa ibang bansa. May mga nasa palagay naman na mas magandang maging direct-hire. Kayang-kaya na raw nilang makipagnegosasyon nang direkta sa employer at kaya na nilang alagaan ang kanilang sarili habang nasa ibang bansa - kaya nga may mga embahada sa ibang bansa, di ba?
Kung kayo po ang papipiliin, alin po ang mas gugustuhin niyo: Ang dumaan sa recruitment agency o ang makipag-ugnayan ng deretso sa employer at maging direct-hire?
Isa pang bagay ang mahalagang banggitin tungkol sa kung sino ang mga direct-hire. May mga OFW tayo na dating dumaan sa recruiter at pag matapos ang kontrata, hindi sila umuuwi at naghahanap na lang ng bagong trabaho doon. Sa paglipat nila ng trabaho, sila ay kasama na sa mga tinatawag na direct-hire.
Ang Dating Daan
Halimbawang may isang may-ari ng kumpanya sa Middle East. Naghahanap siya ng isang engineer. May nag-apply na Pilipinong engineer dahil tapos na raw ang kanyang kontrata sa dating amo na inayos ng kanyang recruitment agency sa Pilipinas. Rekomendado siya ng dating amo dahil magaling at mabait daw siya. Nagustuhan ng may-ari ang Pilipino at inalok ng kontrata sa sweldong $1000 kada buwan. Pumayag agad ang OFW sa alok na trabaho dahil kung wala siyang mahanap na trabaho, pwersado siyang bumalik na ng Pilipinas. Pinirmahan na nila ang kontrata at umpisa na ng trabaho. Simple, di ba? Yan ang direct-hiring!
Ang Bagong Patakaran Para sa mga Kasalukuyan at Bagong Direct Hire OFWs!
Ang Memorandum Circular No.4 (Series of 2007) na pinamagatang, “Guidelines on the Direct Hiring of Filipino Workers” na pinirmahan ni POEA Administrator Rosalindo Dimapilos-Baldoz at sinimulang ipatupad noong Enero 15 nitong taong ito ay isang malaking dagok sa mga OFW. Lahat ng OFW employer sa ibang bansa, indibidwal man o kumpanya, ay dapat tumupad sa nasabing memorandum. Ito po ang implikasyon ng bagong patakaran:
Sa halimbawa natin kanina, kokontakin ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang may-ari ng kumpanya at sasabihang hindi pa pwedeng magsimula ang Pilipinong engineer. May bago raw patakaran ang POEA, ang Memorandum No. 4. Kailangan daw munang magparehistro ng employer sa POEA pero hindi naman daw aabutin ng isang buwan ang proseso. Samakatuwid, isang buwang walang trabaho ang OFW!
At para masimulan daw ang proseso, kailangang mag-submit sa POEA ng employer ng mga sumusunod:
1) Mag-submit ng mga sumusunod na dokumento sa POEA:
a) kopya ng business registration, license, and identification papers
b) sample contract para sa mga Pilipinong empleyado
c) patunay na hindi sisingilin ng placement fee ang empleyado (Direct hire nga e!)
2) Magbigay sa POEA ng “performance bond” na katumbas sa tatlong buwang sweldo ng bawat empleyado. Ang performance bond ay magsisilbing penalty fee ng employer kung sakaling magkaroon ng breach of contract o di pagtupad sa kontrata ang DH employer.
Hindi malinaw sa memorandum kung ang salaping ito ay ibibigay nang buo sa OFW. Sa kaso ng engineer, kailangang magbigay sa POEA ng employer ng $3000 ($1000 x 3 buwan) o higit kumulang sa P120,000. Babayaran ang halagang yan bago makapagsimula ng trabaho. Wow!
3) Magbayad sa POEA ng “repatriation bond” sa halagang $5,000 o higit kumulang sa P200,000. Gagamitin daw ang salaping ito para makabalik ang OFW sa Pilipinas kung sakaling hindi tuparin ng employer ang kontrata. O kung sakaling mamatay ang OFW, gagamitin ang perang ito para ibalik ang mga labi ng OFW dito sa Pilipinas.
Akala ko ba mga bagong-bayani ang mga OFW, e bakit hindi man lang mapag-gastusan ng gobyerno ang mga labi nila kung sakaling mamatay habang nagtatrabaho sa ibang bansa. At saka, hindi ba yan ang dahilan kung bakit pinagbabayad ang mga OFW ng PhiliHealth?
4) Medical Insurance Certificate para sa bagong empleyado.
Di ba kadalasan, ang medical insurance ay pinoproseso pagkasimula ng empleyado sa trabaho? Kahit sa Pilipinas, ganito ang sitema, ‘di ba? At gaano naman katagal ang pagkuha ng medical insurance certificate mula sa insurance company. Samakatuwid, baka umabot pa sa tatlong buwang walang trabaho ang OFW dahil sa kahihintay sa medical insurance certificate.
Sa Madaling Sabi
Kung kayo po ang empleyadong nagnanais na kumuha ng Pilipinong OFW, magtitiyaga po ba kayong dumaan sa prosesong nabanggit at papayag po ba kayong magbayad ng higit kumulang sa $8,000 o P320,000 bago pa man makapag-simula sa trabaho ang Pilipinong empleyado.
Bilib naman ako sa taas ng tingin ng ating pamahalaan sa mga Pilipinong OFW. Inaasahan nilang gawin lahat yon ng empleyor para makakuha ng Pilipinong empleyado.
Sana ganoon din kataas ang pagtingin ng mga empleyado nila para pagtiyagaan nilang pagdaanan ang nasabing proseso at requirements. Pero paano kung hindi? Paano kung patindi na nang patindi ang kumpetisyon para makakuha ng mga trabaho sa ibang bansa? Paano kung marami nang mga bansang tulad ng Pilipinas na nagpapadala ng kanilang mga OFW at wala silang mga ganitong mabigat na requirements? Sinong mawawalan ng trabaho? Sinong kawawa?
Sinong Kawawa?
Malinaw po na ang kawawa ay ang ating mga kababayang OFW at isa na rin po ako rito. Lahat po ng OFW ay apektado sa Memorandum na ito. Mapa-engineer, teacher, domestic helper, nurse, doktor, at iba pang empleyado. Basta ang pasaporte mo ay Pilipinas at nagtatrabaho ka sa ibang bansa, damay ka dito.
Tiyak na mahihirapan po kaming makahanap ng mga employer na magtitiyagang sumunod sa Memorandum No.4.
Kawawa din ang mga pamilya ng mga mawawalan ng trabaho na OFW. Marami sa mga OFW ang inaasahan ng kani-kanilang pamilya. Marami sa mga OFW ay may mga pinapakain at pinapatulog sa kanilang mga tahanan sa Pilipinas. Marami sa mga OFW ang tumutulong magpaaral sa kanilang mga kapatid.
Kawawa din ang ating ekonomiya. $15 billion ang ipinasok na pera ng mga OFW sa bansa noong nakaraang taon.(3) Hindi po biro ang halagang ito. Kung sa tingin niyo po ay nakakatulong ang mga call center sa ekonomiya ng ating bansa, palakihin niyo po ng 5 beses ang call center industry natin ngayon at ganito po kalaki ang kasalukuyang kontribusyon sa ekonomiya ng ating mga OFW.
Kawawa din ang mga maliliit at malalaking negosyo sa ating bansa. Kapag humina ang pagpasok ng remittance dahil sa pagbawas ng mga trabaho ng mga OFW, mababawasan ang “spending power” ng mga dating tumatanggap ng mga remittance. At kapag humina ang kanilang spending power, mga pangunahing bilihin na lang ang uunahin nila. Ito ang ikakalugi ng maraming mga negosyo sa ating bansa. Mga negosyong nagbibigay ng trabaho sa milyun-milyong Pilipino. Mga negosyong nagpapalago sa ating ekonomiya.
Kaya sinong kawawa? Ikaw! Ako! Lahat tayo!
Anong Dapat Nating Gawin?
Kung ako po ang tatanungin, ang unang gusto kong hingin ay ang pagbitiw ni Gng. Rosalinda Dimapilos-Baldoz, ang administador ng POEA na pumirma sa Memorandum Circular No.4. Ang memorandum pong ito ay nagpapatunay na wala po siyang kakayahang maintindihan ang mga OFW at hindi po siya karapat-dapat na mamahala sa mga OFW.
Ang susunod kong panawagan ay sana suportahan nating lahat ang mga kilos-protesta laban sa Memorandum No.4. Malinaw na malinaw na lahat tayo’y apektado at makakawawa sa patakarang ito. Kailangang sumali tayo sa malawakang kilos-protesta. Huwag na po kayong mag-atubiling hindi sumali sa demonstrasyon sa kalye. Ito po ang kailangan para ipakita na seryoso po ang ating paghingi ng pagbitiw ni Rosalinda Baldoz at ang pagbasura sa Memorandum No. 4.
Kung sakali naman pong hindi kayo makasali sa malawakang kilos-protesta, ito po ang inyong mga pwedeng gawin para ipakita ang inyong pag-protesta sa nasabing memorandum:
1) I-email niyo ang inyong mga kamag-anak at kaibigan at hikayatin silang sumali sa protesta (May link sa baba para mai-forward niyo ang panawagang ito sa inyong mga kaibigan at kamag-anakan. May English version din po ito kung mas gusto niyong i-forward ang mensahe sa wikang Ingles.)
2) I-text niyo ang lahat ng kakilala niyo at ipaalam sa kanila ang mga kapalpakan ng Memorandum No.4.
3) Suportahan ang senate inquiry ni Sen Manny Villar (4). Pwede niyong i-email si Sen Manny Villar sa mb_villar@yahoo.com o kaya puntahan niyo ang kanyang website, www.mannyvillar.com.ph
4) Suportahan ang resolution sa kongreso ni Rep Teddy Casino, ang representate ng Bayan Muna party-list (5)
5) Pumirma sa online petition laban sa Memorandum No. 4. (6)
6) Mag-blog at mag-comment sa mga blogs tungkol dito. Noong nagka-problema tayo kay Malu Fernandez dahil sa panlalait niya, nagkaisa tayo para ipakita sa kanya ang kamalian niya. May bago pong isyung kinahaharap ang mga kababayan natin OFW at pati na rin ang ating bayan. Tulungan niyo po sana kami. Parang awa niyo na po.
Aksyon na, kapatid! Hingin natin ang pagbitiw ni Rosalinda Baldoz at ang pagbasura sa Memorandum No.4!
Click here for the English version of this post.
===
Notes:
(1) POEA Memorandum Circular No.4 - Guidelines on the Direct Hiring of Filipino Workers
(2) Magandang ipalabas ng POEA ang kanilang statistics kung ilang OFW ang dumaan sa recruitment agency at ilan ang direct hire.
(3) Top international economist says Philippine economy has to grow 14% to stop OFW exodus, Positive News Media, Jan 31, 2008
(4) $5K bond hinders Pinoys’ search for better opportunities - Villar seeks Senate inquiry on new direct-hire guidelines
(5) Solon wants memo on OFW hiring scrapped, Feb 3, 2008, GMANews.TV
(6) Online Petition - Abolition of (POEA) Memorandum Circular No. 4






22 Responses to “Worse Than the Malu Fernandez Controversy (Filipino Version)”
baldos wala ka nang nagawa na mabuti sa amin OFW, linisin mo muna ang POEA at kakutsaba mong mga agency bago ka maglabas ng MEMO..
NO TO THIS MEMO.. SCRAP MC-4!!!
[Reply to this comment]
Hi Mark! Sana yung susunod na administrador walang pinangangalagaang mga interes sa mga recruitment agency sa Pinas.
Marami na akong mga narinig na mga teacher na dumaan sa agency. Nagbigay sila nang malaki sa agency tapos mababalitaan nilang nagbayad din pala ang employer nila sa agency nang malaki. Doble kabig. Iba talaga! Sana ipagbawal na rin yang placement fee na yan!
Salamat,
Lester
Ang bagong Circular para sa mga Bagong Bayani???
Una sa lahat ang ginawang Circular ay hindi makakatulong bagkus mas lalo pang magbibigay ng higit na kapangyarihan para gumawa ng katiwaliaan ang mga empleyado ng OWWA, DOLE, POLO at ang iba pang ahensyang may kinalaman sa pagaayos ng dokumento ng mga OFWs. Bakit di nyo gawin sa mas mabilis at maayos na paraan ang pagpoproseso ng lahat ng dokumentong kinakailangan naming OFWs upang madaling tanggapin ng mga kumpanya o ahensyang nangangailangan ng OFWs sa ibang bansa. HINDI ang takutin at bigyan sila ng dahilan para huwang nang subukan ang kakayahan ng iba pa nating kababayan dahil sa hirap at daming paikot-ikot na dapat pagdaanan.
Pangalawa, hindi po ba na ang dapat bigyan ninyo ng pansin ay ang mga tauhan ng ating gobyerno na patuloy na umaabuso at gumagamit ng mga legal na kautusan para gatasan ang mga OFWs na tinuturing nyong bagong bayani???
Pangatlo, hindi po pagbibigay ng proteksyon ang magiging epekto ng kautusang gustong ipatupad ng POEA Circular No. 04. Kung marunong po kayo magbasa at kung kayo ay may mga kamaganak na nagtatrabaho sa labas ng bansa, hindi nyo gugustuhin na approbahan ang bagong kautusan. Kung ang mga ahensyang inyong binigyan ng lisensya at ang lahat ng mga ahensyang may kinalaman sa pagpoproseso ng dokumento para sa mga OFWs ay tumutupad sa kanilang mga obligasyon ng walang katiwalian at panghihingi ng illegal na bayad na nagiging sanhi ng lalong paghihirap naming mga OFWs matapos lang ang lahat ng kinakailangan para makapagtrabaho sa labas ng bansa. Hindi mangangailangan ng direct hiring, mas gugustuhin pa ng mga kompanya at ng ating mga kababayan na dumaan sa isang ahensya. Pero kagaya ng bagong kautusang pinalabas, hindi iyan makakatulong sa nakakarami bagkus mas magpapahirap iyan sa NAKAKARAMI.
Pangapat, Para saan ang BOND na $ 5,000? Para ano pa at kailangan bigyan ng BOND ang ahensya sa pilipinas??? Saan naman po ito dapat ilagay??? Kung gusto nyo makasiguro at protektahan ang mga kagaya kong OFWs, bakit hindi ninyo gawing ang sahod ay sa banko dapat pumasok at kada buwan makikita at matatanggap ng aming pamilya sa Pilipinas. Ang ibig sabihin dapat na may bangko or kaalyang sangay ng banko at ibang padalahan ng remittance sa Pilipinas ang bansang pagtatrabahuhan. Kagaya halimbawa ng ibang Americans at British, 75% ng kanilang sahod ay ipinapasok sa account nila sa kanilang bansa upang siguruhing natatanggap ng kanilang mga pamilya. Kung inyong iisipin, ito ay isang proteksyon na di lang nakakatulong sa buong pamilya naming mga OFWs bagkus nakakatulong pa rin sa pag-angat ng ating ekonomiya dahil papasok ang kinikita ng halos lahat ng OFWs sa bangko ng Pilipinas.
Panglima, walang duda at walang kasinungalingan na ang OFWs ang bagong bayani dahil ang mga OFWs ang siyang numero unong nangungunang tumutulong sa pagangat ng ekonomiya ng ating bansang Pilipinas. Bakit di ninyo unang pagtuunan ng pansin ang araw-araw na reklamo at problemang kinakaharap namin sa tuwing kami ay umaalis at dumarating ng ating bansang Pilipinas!
Panganim, bakit ang mga kabayan nating nasa Phillipine Embassy ay napakarami? Bakit hindi na lang ninyo sila pabalikin sa ating bansa? Bakit ninyo hinahayaang dumami sila? Simple lang po ang sagot dyaan, kung sila ay tumakas dahil sa di magandang napuntahan o kung ano pa mang dahilan mas mabuting sila ay umuwi na lang. Kaysa paulit-ulit na tumatakas sa kanilang mga pinapasukan. Maraming takas na may mga reklamo subalit walang napaparoonan ang kanilang mga hinaing dahil kulang sa ebidensya at walang kasiguruhang mananalo ay dapat na rin ninyong pauwiin upang makaiwas sa mas lalo pang kapahamakan.
Pangpito, bakit di kayo magtatag ng committee at kumuha ng mga taong pwede ninyong bigyan ng kapangyarihan para humarap, lumaban at sumuporta sa aming mga OFWs sa mga kompanyang may reklamo ang kapwa ko OFWs. Bakit di kayo magtayo ng 911 para sa mga OFWs na bukas sa lahat ng oras para matawagan at maghain ng aming reklamo at pwedeng irecord lahat ng aming hinaing upang inyong maimbestigahan ng di kami nalalagay sa panganib? Hindi din po dapat mapatupad ang kahit na anong batas para sa mga OFWs ng walang representante sa bawat bansang may mga OFWs. Dapat po ihain ninyo o ihayag sa masa o inyong nilalathala upang humingi ng kumento at payo sa lahat ng Pilipino na mas nakakaranas ng hirap at dadaan sa inyong mga batas. Marami na pong paraan para makakalap kayo ng suhestiyon at mga sagot sa tanong para sa mga kautusan na balak ninyong isabatas kagaya ng email….. bakit hindi natin ito gamitin…..
Sa totoo lang po, masyadong maraming matalino sa ating bansang Pilipinas pero mas naununa pa ang pakita kaysa sa gawa. Kung puro talino lang po at kasulatan ang kaya ninyong gawin, balewala po iyan. Bakit di kayo umaksyon sa bawat problema na inihahain sa inyong harapan. Na ang higit na kailangan eh hindi batas na circular kundi ang ipaglaban nyo ang karapatan naming mangagawa / OFWs GAMIT ANG BATAS MANGAGAWA NG BANSANG AMING PINUPUNTAHAN AT HINDI ANG GUMAWA NG ISANG BATAS NA AYON LAMANG SA INYONG MAKASARILING BATAS.
GISING……….. DI PO BA DAPAT NA IWASAN NATING MAGING KUMPLIKADO ANG LAHAT NG BAGAY………. IBIG SABIHIN……. MAGING TAPAT LANG PO TAYO SA SARILI NATIN AT PANATILIHIN NATIN ANG ATING PRINSIPYO AT PAGPAPAHALAGA SA BAWAT ISA… HINDI ANG PAGMAMARUNONG LAMANG UPANG IPAKITANG KAYA NYO GUMAWA NG KAUTUSAN….
[Reply to this comment]
Salamat sa iyong paglalahad, Kabayan! Nawa’y pakinggan ng pamahalaan ang ating mga pananaw - mga pananaw na hindi nakabatay sa mga diploma’t degree ng ating mga opisyal sa gobyerno, kundi sa ating karanasan at pakikipagsapalaran bilang mga OFW. Mabuhay ka!
Ito poh ay minsahe ko sa pomirma ng sinasabing Memorandom no.4…”Siguro masmaganda gawin ninyong batas ay yung nakakatalung at magpapagihawa sa buhay ng mga OFW,hindi yung mas magpapahirap sa kanila! wala kayo sa kalagayan namin,hindi masarap tumira o mamuhay sa ibang bansa at mahiwala sa bayan mong kinalakihan…Kaya ayusin nyo muna ang ibang problema ng ahensya nyo bago kayo gumawa ng batas na walang saysay…Pakiusap lang! kung tao Kayo!”
ICEMANN
[Reply to this comment]
Mismo pare! Kung alam lang nila ang hirap nang mawalay sa pamilya’t kaibigan para lamang makapagtrabaho at kumita ng pera na maipapadala sa ating mga mahal sa buhay. Sana tao nga ang mga pinakikiusapan natin.
katarantaduhan ng gobyerno!..Dagdag pahirap sa aming mga OFW.Suportahan nyo kame, wag kayong mamerwisyo! Puro pera ang nasa isip nyo. Magsilbi kaya kayo!
[Reply to this comment]
Haha.. ayos yung banat mo jeyn! Sana maalala nga ng ating mga opisyal at tauhan sa pamahalaan na nasa gobyerno sila para magsilbi sa bayan.
ANG LUPIT TALAGA NG POEA..NAKAHANAP NA NAMAN NG PARAAN. SINO NAMANG TANGANG EMPLOYER ANG MAGTYATYAGANG SUMUNOD JAN E ANG DAMING IBANG LAHI ANG PWEDE NILANG KUNIN. WALA NANG MADAMING SATSAT, HINDI PA SILA MAAABALA.SINO PA ANG KUKUHA SA MGA PILIPINO KUNG PAHIHIRAPAN NILA ANG MGA PROSESO, MABAGAL NA PROCESSING, KUNG ANU-ANO PA ANG CCNGILIN..KAYA D UMASENSO ANG PINAS DAHIL SA MGA KATULAD MO,BALDOZ
[Reply to this comment]
Buti na lang ay sinuspende na ni Pang Arroyo itong memorandum na ‘to. Sana tuluyan na nilang ibasura ito. At sana sinabay na rin sa pagsuspende at pagbasura ang mga nakaisip ng perwisyong memorandum na ito.
Ingat,
Lester
SANA NAMAN PO MAAWA KAYO SA AMING MGA OFW NAG PAPAKAHIRAP NAPO KAMI DITO SA MALAYO SA AMING PAMILYA,SOBRA NA!TAMA NA! WALA NG MAKAIN ANG PAMILYA NAMIN SA PINAS AT NGAYON NAG HAHANAP NANAMAN KAYO NANG IBANG PARAAN PARA MAY MAIBULSA, GRABI NA PO ITO. SANA NAMAN PO BIGYAN NINYO KAMI NG KONTING AWA..SINO KAYANG TANGANG EMPLOYER ANG OK SA GINAWA NINYO, WALA!!
[Reply to this comment]
Ano na naman ito? Dapat pag aralan muna ng gobyerno ang sitwasyon ng mga OFW bago sila magpatupad ng bagong patakaran. Sa tingin ko masyadong pahirap ito.
[Reply to this comment]
i think it is better to scrap the memo immediately and no need to go into a dialogue,the POEA should listen to us OFW’s
[Reply to this comment]
paano na lang kung walang tangang employer mag hire sa amin,BALDOZ mabibigyan mo ba kami ng trabaho jan pinas? kung wala kang magawang mabuti tumahimik ka na lang. NO TO MC4.
4eyes
[Reply to this comment]
POEA ang papatay sa Pinoy OFW.
[Reply to this comment]
Akala siguro nung pumirma sa memorandum na yan na sa Pilipinas lang pwedeng kumuha ng empleyado ang mga employer sa ibang bansa. Hoy gising! Wala na ba kayung ibang maisip na ibang raket? at kaming mga nananahimik na OFW’s ang ginugulo nyo? Nais lang naming gumanda ang aming buhay sa ibang bansa, utang na loob wag naman sana kayong malupit at gahaman sa pera. Kayo kaya ang magtrabaho overseas?
[Reply to this comment]
Sad but True: Inutil po ang karamihan ng mga ahensuya ng Pinas. Wala namang ngipin mga batas. Maganda lang pakinggan pero sa katunayan po mas lalo lang po ginagawang kumplikado ang mahirap na nga nating kabuhayan. Nakakasawa na po talaga. Minsan nakakalungkot ang mga pangyayari sa bansa natin. Nagbabayad ka nga ng buwis tapos binubulsa naman ng mga buwaya. San ka pa? Only in the Philippines. Kaya marami pa talaga ang nagbabakasali na mamuhay sa ibang bansa. Ano po kaya ang solusyon sa kahirapan ng bansa natin? Civil war? Wag naman po sana. Pero baka lang po, kutob ko lang po, di tayo nalalayo doon. Ipagdasal na lang po natin na maging maayos ang lahat. Ibasura ang memorandum na yan! Salamat po.
[Reply to this comment]
Hi zrehj, ipagdasal na nga lang natin ang ating bayan. Lalo na ngayong nagbunsod ng iba’t ibang kilos protesta ang testimonya ni Jun Lozada. Diyos ko po, tulungan niyo po ang bansa namin.
JUN, Dolpho, Elmer Gallardo, ernie, at woody, Sang-ayon po ako sa inyong mga hinaing. Sana mapakinggan tayo at tuluyan nang ibasura ang MC-04. Wala nang pili pili kung sinong exempted, mapa-anong trabaho, mapa-anong bansa, wala na dapat nitong pahirap na ‘to!
[Reply to this comment]
Meron pagyayari dito na ang ibang Company ay ayaw ng kumuha ng mga tauhan galing Pinas. Sa ngaun Nepal,Thailand ,Malaysia,India or Srilanka cla tumutungo upang kumuha ng mga tauhan,
nakakapanghinayang more than 100 personel ang
kailangan nila sa ibat iba kategorya na dapat sana ay para sa mga Pilipino. At ito po ay Realidad at Katotohanan “Stop Hiring” ang Filipino sa aking pinapasukan at sa ibang Kompanya sa kadahilang natakot ang Employer sa ginawang bagong Batas na kahit di man naipatupad ay napakalaki na ng naging epekto sa Bansang Pinas,Pagisipan sana mabuti ng Gobyerno ang panukalang batas na ito dahil nagyayari na ang kinatatakutan ng lahat,ang mawala ang trabaho na para sa Pilipino at mapunta sa iba lahi.Hindi pa man naipapatupad ng lubusan ay takot na ang mga employer, lalo na po cguro if naipatupad ng lubusan ito,Di po natin pwede takutin ang mga may ari ng kompanya, na tayo lang magaling na trabahador,napakarami na po ng kakumpetensyang bansa sa larangang ito at tumatangap pa ng mas murang halaga kaysa sa mga pinoy,tuwang tuwa pa nga cla na Stop Hiring ang mga pinoy,pagkakataon na daw nila ito,Ibasura po natin ang panukalang yan dahil malaki ang naging epekto nito sa ngaun pa lang,kailan po kayo gigising kapag ayaw na nila kumuha ng OFW galing pinas? wag na po sana tayong dumating sa ganoon,,
[Reply to this comment]
To all Phil government employees esp those head of department,
Please naman po, remember you are there because of us. Mamamayan ang nagpapasweldo sa inyo. (Kasi wala nmn pinagkukunan ang bansa ng malaking income para ipamahagi sa mga tao) Bago po nmn kayo gumawa ng batas paki check nmn kung sino ang maaapektuhan. Sa kasalukuyan kung di kakayod ang nakakarami sa ating mga Pilipino ay hindi kakain ang ating mga sinusustinto. Wala namang ibinibigay na financial support ang Phil Government sa kanyang mamamayan. Kaya di dapat na gumawa ng batas na ang maaapektuhan ay ang naghahanapbuhay. Pero kung sa puntos na ang naghahanapbuhay ay matigil ng pagtatrabaho tapos sasagutin ng gobyerno ang gastusin hanggang magtrabaho ulit eh ok lang na magbatas kayo ng ganyan. Tulad ng ginagawa ng ibang bansa sa mamamayam nila. Kapag walang trabaho gobyerno ang nagsusustinto.
[Reply to this comment]
[…] By the way, if you prefer to read this in the Filipino language, click here. […]
Feel free to express your self